Muling tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang commitment nito sa kalusugan ng mga senior citizens sa pamamagitan ng sapat na financial protection kapag nag-avail ng inpatient care at primary care benefits sa accredited facilities sa buong bansa.
Kasunod na rin ito nang pakikiisa ng PhilHealth sa pagdiriwang ng elderly Filipino week ngayong buwan na naging makabuluhan matapos maselyuhan ang kasunduan ng ahensya at ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) hinggil sa pagpapalitan ng mga impormasyon at statistical data sa membership at health status ng mga senior citizens sa bansa.
Layon ng nasabing kasunduan na magkatulungan ang PhilHealth at NCSC na mapanatili ang tamang database system para na rin mapalawig ang benefit packages at pagpapaganda pa ng mga serbisyo para sa senior citizens at tuluyang mabura ang katiwalian dulot ng hindi maayos na member records.
Hanggang nitong June 2022, ang PhilHealth ay nakapag-rehistro na ng halos 14 million senior citizens at kanilang dependents sa ilalim ng lifetime and senior citizens program nito at kumakatawan sa 14% ng kabuuang rehistradong beneficiaries ng program sa buong bansa.
Kabilang sa lifetime members ang mga retirees at pensioners na umabot na sa edad nang pagreretiro at makapagbayad ng tinatayang 120 months ng kontribusyon sa programa samantalang ang senior citizens ay mga hindi pasok sa anumang membership categories at ang kontribusyon ay nabayaran na ng national government batay na rin sa Republic Act 10645.
Ayon sa PhilHealth, kaagad makakakuha ng mga benepisyo ang elderly members para sa inpatient care at piling outpatient procedures, Z benefits packages at iba pang benefit packages na dini-develop ng PhilHealth.
Sa unang bahagi ng 2022, nasa kabuuang 19.1 billion pesos ang naibayad na ng PhilHealth para sa benefit claims ng matatandang pasyente sa ilalim ng lifetime and senior program.
Binigyang-diin pa ng PhilHealth na priority rin ang senior members sa pinalawig na primary care benefit package ng ahensya na tinaguriang konsulta o konsultasyong sulit at tama package na maaaring i-avail mula sa pipiliin nilang accredited konsulta providers.
Makakatulong ang konsulta package para maagang ma-detect ang anumang sakit sa pamamagitan ng health risk screening at assessment, initial at follow up consultations, laboratory tests at medicines at ang accredited konsulta provider ang magre rekomenda kung kailangang i-avail ang mga nasabing serbisyo.
Kabilang sa laboratory at diagnostic tests ang complete blood count kasama ang platelet count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, fecal occult blood, pap smear, lipid profile, fasting blood sugar, oral glucose tolerance test, eletrocardiogram, creatinine and hba1c samantalang available naman ang mga gamot na anti microbial, anti asthma, antipyretics, anti dyslipidemia, anti diabetic at anti hypertensive kabilang ang fluids at electrolytes, anti thrombotic at anti histamines.
previous post