Nakitaan ng bird flu o highly pathogenic avian influenza type a o H5N1 ang mga ipinamahaging free-range chicken sa mga benepisyaryo sa Laoag, Ilocos Norte.
Ayon sa provincial government ng Laoag, nagpositibo ang mga manok sa virus matapos itong maipamahagi ng Department of Agriculture-Regional Field Office 1 noong October 20 para sa mga benepisyaryo ng Balik-Probinsya 2 Program.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng surveillance at disinfection ang provincial government upang ma-kontrol ang pagkalat ng virus.
Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention, ang H5N1 ay nakamamatay para sa mga hayop at maaaring makaapekto sa mga tao at makapagdulot ng matinding sakit.
Samantala, inatasan naman ang mga magsasaka na ipagbigay-alam sa mga local agriculture office ang anumang poultry mortality habang sinabihan naman ang mga residente na nakararamdam ng sintomas ng influenza na magpatingin sa doktor. —mula sa panulat ni Hannah Oledan