Umakyat na sa 80 ang napaulat na nasawi habang 31 indibidwal ang nawawala kasunod ng pananalasa ng Bagyong Paeng.
Batay sa situation report na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 38 sa bilang ng mga nasawi ang kumpirmado habang ang iba ay patuloy na bineberipika.
Karamihan sa naitalang casualties ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 40; sinundan ng Region 6 o Western Visayas na may 18;
Labindalawa naman sa CALABARZON; apat sa Region 9 o Zamboanga Peninsula; tatlo sa Region 12 o SOCCSKSARGEN; dalawa sa Region 8 o Eastern Visayas at isa sa Region 5 o Bicol.
Mayorya naman sa bilang ng mga nawawala ay naitala sa BARMM at Eastern Visayas na may tig-10; anim sa Western Visayas; tig-dalawa sa CALABARZON at MIMAROPA; at tig-isa sa Bicol, at SOCCKSARGEN.
Naapektuhan ng Bagyong Paeng ang kabuuang 339,051 pamilya o 1.174 milyong indibidwal, kung saan 70,538 families o 266,984 individuals ang nananatili sa evacuation centers.