Dinagsa rin ng mga tao ang ilang sementeryo sa camanava area ngayong undas matapos humupa ang baha bunsod ng pag-ulang dala ng bagyong Paeng.
Hindi natinag ng ulan ang mga nagtungo sa Sangandaan cemetery sa Caloocan City upang bisitahin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Mas pinili ng ilan sa kanila na bumisita kahapon upang makaiwas sa dagsa ng mga tao ngayong Todos Los Santos o sa mismong bisperas ng araw ng mga patay.
Nito lamang linggo ay nag-ikot si Caloocan City Mayor Along Malapitan sa mga Campo Santo upang matiyak ang seguridad at nasusunod ang covid-19 health protocols.
Sa Malabon City, isang tent ang itinayo upang magsilbing kapilya sa entrada ng tugatog cemetery, kasabay nang nagpapatuloy na renovation habang nananatiling sarado sa publiko ang naturang libingan.
Inabisuhan din ng Malabon Disaster Management Office ang mga bibisita na mag-iwan na lamang ng bulaklak at magtirik ng kandila sa entrada ng panteyon at magdasal sa Makeshift chapel.