Inilunsad ng Marikina LGUs ang Candles and Flowers One Stop Shop bilang pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas 2022.
Maaari nang puntahan sa Freedom Park ang One-Stop-Shop na bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan kung saan, ibat-ibang klase ng panindang mga bulaklak at kandila ang makikita.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, sinadya nilang magpatayo ng bazaar sa lungsod dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda ng kandila at bulaklak sa mga sidewalk maging sa loob ng sementeryo.
Sinabi pa ng alkalde na binigyan ng designated places ang lahat ng mga vendor para sa kanilang mga ititindang produkto.
Iginiit pa ni Mayor Marcy na inaasahan pa nila ang pagdagsa o pagdami pa ng bilang ng mga dadalaw sa puntod ngayong Undas.
Samantala, muli namang nagpaalala ang Marikina City Government sa mga bibisita na panatilihin ang pagsunod sa health and safety protocols partikular na ang pagsusuot ng facemask at pag-obserba sa physical distancing, upang mapanatiling ligtas ang bawat isa ngayong All Saint’s at All Soul’s Day.
Humiling din ang alkalde ng pagkakaisa, at mahigpit na sundin ang ipinagbabawal sa loob ng sementeryo partikular na ang pagdadala ng matatalim na bagay, nakalalasing na inumin, ma-iingay na kagamitan at iba pang uri ng mga gambling paraphernalia.