Hinikayat ang mga guro at magulang na pagsuotin pa rin ng face mask sa loob ng mga silid-aralan ang kanilang mga estudyante at anak sa pagsisimula ng face-to-face classes upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19.
Ito’y sa kabila pagtalima ng Department of Education sa Executive Order 17 na nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga indoor setting, gaya ng silid-aralan.
Ipinunto ni Lito Senieto ng National Parents-Teachers Association of the Philippines na masyadong siksikan ang mga classroom sa bansa at kung walang face mask ay mabilis kakalat ang sakit.
Para naman kay Teachers Dignity Coalition Chairman Benjo Basas, masyado pang maaga na ipatupad ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga silid-aralan.
Hindi pa anya nagtatapos ang pandemya kaya’t kung siya ang tatanungin kanyang pa ring pagsusuotin ng face mask ang mga mag-aaral kahit sa face-to-face classes.
Simula ngayong araw ang full implementation ng face-to-face classes sa buong bansa maliban sa mga lugar na nagdeklara ng class suspension matapos lubhang maapektuhan ng Bagyong Paeng.