Posibleng tumaas sa 7.1% hanggang 7.9% ang inflation rate ng bansa para sa buwan ng Oktubre.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), mas mataas ito kung ikukumpara sa dating 6.9% na naitala noong September kung saan, malaki ang posibilidad na malagpasan nito ang 2% hanggang 4% na target sa loob ng pitong magkakasunod na buwan.
Iginiit ng BSP na kung patuloy na tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin; dagdag-singil sa presyo ng langis at pamasahe; at pag-lagapak ng palitan ng piso kontra dolyar, maaaring malampasan ng inflation ngayong buwan ang mga naging rekord sa loob ng 13 taon.
Sa kabila nito, inaasahang bababa ang inflation sa mga susunod na buwan, dahil sa pagbaba ng singil sa electricity rates ng Meralco, nakikitang pagbaba ng presyo ng petrolyo, at mas mababang presyo ng isda sa mga pamilihan.