Tinamaan ng iba’t ibang sakit ang daan-daang indibidwal sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Paeng.
Ayon kay Dr. Alethea De Guzman, Director ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), higit 300 konsultasyon ang naiulat sa Cagayan Valley, Central Luzon at SOCCSKSARGEN hinggil sa kalusugan ng mga residente at nakumpirma ang 178 na mga sakit.
Kabilang sa mga medikal na kundisyon na nakumpirma ay ang acute and upper respiratory infection na may 129 cases; ubo at sipon – 68; sugat – 50; lagnat – 11; hypertension – 9; acute gastroenteritis – 1; abdominal pain – 1; at iba pang sakit – 38.
Naitala naman sa Western Visayas ang nasa 16 sakit sa balat at 15 kaso ng sugat sa mga evacuation centers habang may pitong kaso rin ng acute at upper respiratory infection at anim na kaso ng acute gastroenteritis sa mga ospital ng naturang rehiyon.
Nangangamba naman ang DOH sa posibleng outbreak ng diarrhea, leptospirosis at dengue kaya nag-handa na sila ng mga gamot at hygiene kits na panlaban sa mga naturang sakit. —sa panulat ni Hannah Oledan