Nagsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang dalawang S-70I Blackhawk Helicopter ng Philippine Air Force (PAF) sa mga lugar na sinalanta ni Bagyong Paeng.
Ayon kay PAF spokesperson Colonel Ma. Consuelo Castillo, ito’y para malaman kung gaano kalaki o kalawak ang naging epekto ng nagdaang bagyo partikular na sa Southern Luzon.
Pinangunahan ng Tactical Operations Group 4 ng Tactical Operations Wing Southern Luzon, ang Flight Mission kasama sina Southern Luzon Command acting Commander Brig. Gen. Armand Arevalo at Joint Task Force Katagalugan Commander Maj. Gen. Roberto Capulong, kung saan, kanilang ring sinuri ang gumuhong Bantilan Bridge na nagdurugtong umano sa San Juan, Batangas at Sariaya, Quezon.
Ayon sa PAF, nakahanda silang umalalay ang kanilang mga tauhan maging ang mga Air Asset sa Area Commands at Local Government Units sa pagbibigay ng tulong sa panahon ng kalamidad.