Magiging epektibo na sa unang araw ng Disyembre ang inilabas na pinakabagong panuntunan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) pagdating sa foreign travel authority o pagbiyahe ng mga lokal na opisyal at empleyado ng gobyerno.
Kung saan sa ilalim ng updated na panuntunan, ang Leave of Absence ng mga opisyal sa pagbiyahe ay hindi dapat lumagpas sa 10 araw maliban na lamang sa mga mahahalagang lakad na dapat maipaliwanag o ma-justify.
Ipinagbabawal din ang pagliban sa trabaho ng mga lokal na opisyal ng lampas 30 araw sa loob ng isang taon. Gayondin ang magkakasabay na biyahe na posibleng makaapekto sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Nakasaad din sa naturang panuntunan na dapat kumpleto na ang requirements para sa aplikasyon sa pagbiyahe pitong araw bago ang mismong pag-alis.