Laya na ang driver ng bus na nasangkot sa aksidente na ikinamatay ng isang guro at ikinasugat ng ilan pang pasahero sa Orani, Bataan.
Ito’y makaraang mapakipag-areglo ang bus driver na si Marcelino Oliva sa 47 biktima na pawang guro mula sa Quezon City.
Ayon kay Orani Municipal Police Chief, Maj. Larry Valencia, nagkasundo ang mga guro na hindi muna magsasampa ng kaso laban sa tsuper at pag-uusapan na lang ang gastos sa pagpapagamot ng mga biktima.
Nagdesisyon din aniya ang asawa ng gurong namatay napalayain na muna si Oliva.
Sabado ng umaga nang mawalan ng preno ang bus kaya’t nahulog ito sa bangin sa isang pa-kurbang kalsada sa Barangay Pag-asa.
Samantala, tinitiyak naman ng Quezon City Government at Schools Division Office (SDO) na tutulungan ang pamilya ng nasawing guro at maging ang mga nasugatang biktima. —sa panulat ni Jenn Patrolla