BALIK-SESYON na ngayong araw na ito ang mga miyembro ng Kongreso matapos ang halos isang buwang recess.
Ayon kay Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, magiging abala agad ang mga senador sa pagtalakay sa panukalang P5.268 trillion national budget para sa susunod taon.
Katunayan, sinabi ni Zubiri na magkakaroon sila ng umaga at hapon na sesyon para talakayin ang pambansang pondo upang maipasa nila ito sa ikatlong linggo ng kasalukuyang buwan.
Ipinaliwanag ni Zubiri na inaasahan nilang maiisponsoran agad ni Senate Finance Chairperson Sonny Angara ang committee report sa national budget na agad susundan ng deliberasyon sa plenaryo.
Tiniyak ng lider ng senado na dumaan at dadaan pa sa matinding pagsusuri ang panukalang budget upang matiyak na magagastos ng tama ang pondo.
Sa pagtaya ni Zubiri, posibleng maipasa sa bicameral conference committee ang panukalang budget sa ikalawang Linggo ng Disyembre upang maisumite na para sa lagda ng Pangulo.