Plano ng gobyerno na mag-angkat ng mas murang fertilizers mula China upang ipamahagi nang libre sa mga magsasakang Filipino.
Ito ang ibinunyag ng Malacañang matapos pulungin ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga opisyal ng Departments of Agriculture na kanyang pinamumunuan bilang kalihim, Trade and Industry at Philippine Trade and Investment Center (PTIC).
Tinalakay sa nasabing pulong ang mga hakbang upang matulungan ang mga magsasaka at mapababa ang presyo ng mga pagkain.
Ayon kay PTIC president at chief executive officer Emmie Liza Perez-Chiong, nasa 150,000 metric tons ng fertilizer ang planong bilhin mula China ngayong taon.
Nagkakahalaga ito ng mahigit P4-B o $70-M na katumbas ng $470 kada metriko tonelada.
Aangkatin anya ang mga pataba sa pamamagitan ng Government-to-Government Agreement na mas mura kumpara sa kasalukuyang $650 per metric tons.
Inihayag naman ng Office of the Press Secretary na isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DA at PTIC ang binabalangkas na magiging batayan para sa planong importasyon.