Maaari nang makabiyahe muli nang walang pangamba na huhulihin ng Land Transportation Office ang mga driver ng mga lumang Public Utility Jeep sa Bacolod City matapos magtigil-operasyon, kamakailan.
Tiniyak ito ni Vice Mayor El Cid Familiaran matapos tugunan ng LTO-Western Visayas ang hiling ni Bacolod Mayor Alfred Benitez na payagang pumasada sa loob ng 15 araw ang mga jeep kahit walang prangkisa o walang kumpletong mga dokumento.
Ayon kay Familiaran, papayagang makabiyahe muli ang mga jeepney driver basta’t magpapa-miyembro sila sa mga transport cooperative alinsunod sa National Program o PUJ Modernization.
Pinangunahan ng bise Alkalde ang dayalogo sa PUJ driver kasama sina City Administrator, Atty. Pacifico Maghari III; Secretary to the Mayor, Atty. Joseph Karol Chui at LTO-Bacolod head Renato Novero.
Nito lamang Lunes nang magpasya ang mga tsuper na magtigil-pasada dahil sa inilargang operasyon ng LTO at Land Transportation and Franchising Regulatory Board laban sa mga luma at kakarag-karag na jeep.