Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pamamahagi ng financial assistance sa Palo, Leyte kahapon kasabay ng paggunita ng ika-9 na anibersaryo ng pananalasa ni Bagyong Yolanda noong November 2013.
Nasa mahigit 1,000 magsasaka ang tumanggap ng tig-P5,000 cash aid sa ilalaim ng Rice Farmer Financial Assistance Program ng Department of Agriculture (DA).
Nakatanggap din ng ayuda ang 300 benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng DSWD habang 200 residente naman ang nabigyan ng tig-P5,250 na cash sa ilalim naman ng Tupad Program ng DOLE.
Bukod pa dito, namigay din ang Punong Ehekutibo ng tig-iisang unit ng disinfection trucks sa Southern Leyte Provincial Government at Allen, Northern Samar LGU.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ang ipinaabot na tulong ni PBBM, ay patunay lamang na hindi bulag ang kasalukuyang administrasyon sa kalagayan ng bansa para maibigay ang nararapat na tulong na kailangan ng taumbayan.