Ilalabas na ng Department of Justice ang pangalan ng bangkay ng mga preso mula New Bilibid Prison na nakatambak sa Eastern Funeral Homes sa Alabang, Muntinlupa City.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, aabisuhan nila ang pamilya ng mga namatay pero kapag hindi makontak o hindi tumugon ay ipalilibing o ipapacremate na nila ang mga bangkay.
Sampu anya sa mga hindi pa nakukuhang bangkay ang inilibing na habang isandaan animnapu’t anim ay inilipat sa University of the Philippines – College of Medicine.
Bukas naman ay bibisitahin ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ang punerarya.
Idinagdag ni Remulla na may arrangements ang DOJ sa U.P College of Medicine para sa pagdetermina sa mga bangkay na kailangan ng ilibing o i-cremate at kailangang isailalim sa autopsy.
Ang Eastern Funeral Homes ang natatanging punerarya na accredited ng Bureau of Corrections sa Muntinlupa City mula pa noong 2021 kung saan naipon ng tatlong buwan ang labi ng mga preso mula bilibid. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno