Pumalo na sa 270.45 milyon ang mga scam at spam SMS o messages na naharang ng isang telco noong Setyembre ngayong taon.
Nabatid na ito na ang pinakamataas na buwanang bilang na naitala ng kumpanya mula nang simulan nito ang pag-block ng mga mensaheng natatanggap ng mga kustomer mula sa mga hindi kilalang numero, kabilang ang mga SMS na may clickable links.
Tuloy-tuloy ang pagtaas ng bilang ng nahaharang na spam at scam messages ng Globe kung saan mula 68.34 milyon noong Enero hanggang ay umakyat ito ng 295.74% nitong Setyembre. Ang kabuuang bilang na 1.3 bilyon sa unang siyam na buwan ng taon ay nahigitan na ang 1.15 bilyon kumpara sa buong 12 buwan ng 2021.
Sinasabing para sa seguridad ng mga kustomer, hinaharang na rin ng telco ang lahat ng person-to-person SMS na may clickable links mula sa kahit anong network.
Dahil dito mas nahihirapan ang mga manloloko na gumawa ng mga mensahe na makakaakit sa mga tao na pumunta sa mga mapanlinlang na website.
“Ipinapakita ng aming data na naharang namin ang record number ng spam at scam messages sa pamamagitan ng mga pinaigting na hakbang, kabilang ang pagharang sa lahat ng person-to-person SMS na may clickable links,” pahayag ni Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe.
Bukod dito, natuklasan na kasama na rin sa kabuuang numero mula Enero hanggang Setyembre ang 49.3 milyon na scam at spam messages na may kinalaman sa mga bangko at iba pang financial institutions.
Patuloy ang data sharing ng telco sa mga institusyon na ito upang mapigilan ang financial fraud.
Aabot sa P1.1 bilyon ang nailuwal ng Globe para palakasin ang kakayahan nito na ma-detect at matigil ang mga scam at spam messages.
Mas pinaigting din ang 24/7 Security Operations Center ng kumpanya kung saan 100 empleyado ang nagtutulungan na mapigil ang paglaganap ng mga malisyosong mensahe.
Patuloy ding tinuturuan ng telco ang mga kustomer na maging proactive sa pag iwas sa mga panloloko sa internet.
Nagbibigay ito ng libreng e-modules at nagsasagawa ng mga workshop sa ilalim ng Digital Thumbprint Program para mahimok ang mga estudyante, magulang, at mga guro na maging responsableng digital citizen.
Kasabay nito, hinihikayat din ng Globe ang mga kustomer na may Android device na maglagay ng mga spam filters sa tulong ng instructional video na inilabas sa Facebook habang maaari ring i-report ang mga ganitong insidente sa #StopSpam website.