Pinapurihan ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Australia dahil sa ibinigay nitong suporta sa Bohol Trafficking in Persons (TIP) work plan upang mapaigting ang pagpapatupad ng ASEAN Convention on Trafficking in Persons Especially Women and Children.
Pagbibigay-diin ni Pang. Marcos, kailangang magpatuloy ang pagtutulungan upang malabanan ang transnational crime na ito.
Sinabi pa ng Punong Ehekutibo sa ginanap na second ASEAN-Australia Summit sa Phnom Penh, Cambodia, na sa pamamagitan nito, higit na mapalalakas ang mga hakbangin ng bawat bansa para mapigilan ang mga International Human Traffickers na gumagamit na rin ng makabagong teknolohiya sa kanilang mga iligal na gawain.
Samantala, inihayag din ng Pangulo na suportado niya ang tuloy-tuloy na pakikipagkooperasyon ng Australia sa ASEAN Technical and Vocational Education Training (TVET) Council na magbibigay-daan upang mapaunlad pa ang TVET Systems and Programs sa mga bansang miyembro ng ASEAN.
Umaasa naman si Pang. Marcos, na higit nitong mapalalakas ang TVET Training and Scholarship Programs sa Pilipinas sa pagitan ng mga specialists at mga estudyante, bilang paghahanda narin sa conclusion ng ASEAN-Australia-New Zealand free trade area upgrade.