Inihirit ng ilang manggagawa ang kanilang pagnanais bumalik sa Work-From-Home o Hybrid Set-up upang makatipid sa harap ng nagtataasang presyo ng bilihin at serbisyo.
Kabilang sa nananawagan ang mga nasa Business Process Outsourcing (BPO) na idinadahilan ang lumalaki nilang gastos sa pasahe kada araw.
Aminado si BPO Industry Employees Network spokesperson Mylene Caballona na halos lahat ng kanilang kasamahan ay nagresign upang maghanap ng mga permanenteng Work-From-Home set-up.
Dapat anyang magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng mga employer at employee sa issue ng hybrid set-up, lalo para sa mga hindi talaga kinakaya ang magastos na pagko-commute araw-araw.
Samantala, hinimok naman ni Labor secretary Benny Laguesma ang mga employer na gamitin ang batas sa Telecommuting, na isa rin sa solusyon upang mabawasan ang bumibigat muling daloy ng trapiko.
Dapat din anyang magkaroon ng malinaw na kasunduan sa pagitan ng mga employer at empleyado sa nasabing issue upang matiyak na magiging balanse ang interes ng mga negosyo at kapakanan ng mga manggagawa.