Ipatutupad bukas ng Gardenia Bakeries Philippines Incorporated ang tatlong pisong taas-presyo sa kanilang tinapay maliban na lamang sa Pinoy Tasty at Pinoy Pan de sal.
Sa anunsiyo ng naturang kumpaniya, dadagdagan ng P3.00 ang kada 600 grams ng tasty na classic white bread loaf kung saan, mula sa dating P79, magiging P82 na ito.
Dalawang piso naman ang magiging dagdag sa presyo ng kada 400 grams nito na nagkakahalaga na ng P57.00 mula sa dating P55.00.
P52.00 naman sa ngayon ang dating P49.50 na presyo ng mas murang brand ng Gardenia na Neubake matapos madagdagan ng P2.50 sa kada 450 grams.
Magiging P55.00 naman mula sa dating P53.00 ang premium pandesal habang P53 mula sa dating P50.00 ang presyo ng soft delight pandesal family pack.
Ayon sa Gardenia Company, noon pang Hulyo huling nagmahal ang presyo ng kanilang produkto kaya panahon na para magdagdag sila ng presyo dahil nagmahal ang maraming sangkap sa paggawa ng tinapay kabilang na ang trigo na ginagawang harina; asukal at asin.
Sa ngayon, hindi muna itataas ng nasabing kumpaniya ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pan de sal dahil kabilang ito sa basic necessities and prime commodities ng Department of Trade and Industry (DTI) na kinakailangan ng Suggested Retail Price (SRP) at dapat na may basbas ng DTI bago taasan ng presyo nito.