Sumampa na sa mahigit P100B ang kita sa sektor ng turismo matapos ang pagbisita ng nasa dalawang milyong turista simula nang buksan muli ang bansa para sa leisure travel noong Pebrero.
Naitala ng Department of Tourism ang nasabing bilang hanggang nitong Lunes, Nobyembre a – 14 kung saan mahigit 73% o halos 1.5 million ay foreign tourists habang 538,000 ang Overseas Filipinos.
Nahigitan na ng tourism revenue ngayong taon ang kinita sa nasabing sektor na P95.7B sa kaparehong panahon noong 2021.
Inihayag ni Tourism secretary Christina Frasco na nalampasan din ng pinaka-bagong bilang ng tourist arrival ang 1.7 million tourist projections ng ahensya ngayong taon.
Patunay anya ito na mayroong malaking demand sa travel and leisure sa bansa na kabilang sa ipina-prayoridad ng Marcos administration upang tuluyang makabangon ang ekonomiya.
Nangunguna sa may pinaka-maraming tourist arrivals ay mula sa U.S., 385,000; South Korea, 285,000 at Australia, 96,000.