Aprubado na sa ika-3 at huling pagbasa ang panukalang nagdedeklara sa February 1 ng bawat taon bilang national hijab day at nagbibigay mandato sa pamahalaan na ilunsad ang mga program awareness ukol sa pagsusuot ng hijab ng muslim women.
Inaprubahan ng kamara ang House Bill No. 5693, na nagsisilbing consolidated bill ng HB No’S 1363, 3725 at 5736, na iniakda ng mga miyembro ng Bangsamoro Lawmakers.
Nakapaloob sa panukala ang pagkilala ng estado sa mahalagang papel ng kababaihan sa paglikha ng isang matatag na bansa at ang pangangailangan na masigurong nakasaad sa batas ang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan.
Kabilang na ang kalayaang maisagawa at maipakita nang walang diskriminasyon ang kanilang religious profession at paniniwala.
Sakaling maisabatas, hinihikayat ng HB 5693 ang mga muslim women at non muslim women na magsuot ng hijab tuwing sasapit ang unang araw ng pebrero ng bawat taon upang maihayag ang karapatan ng mga kababaihan at ang tradisyon ng mga muslim sa pagsusuot ng hijab.
Una nang naipasa ang National Hijab Day Bill sa 3rd and final reading noong 18th Congress subalit nabigong makalusot sa mataas na kapulungan ng kongreso. - sa ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17).