Inihayag ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na hindi lang ngayong Pasko kundi’y buong taon nilang tutulungan ang mga Badjao at Aeta para hindi na hihingi ng limos sa mga lansangan.
Pahayag ni DSWD Sec. Erwin Tulfo, simula noong Nobyembre 18, aabot na sa 100 Badjaos mula Mindanao ang na-rescue ng ahensya sa Metro Manila pa lamang.
Sinabi ni Tulfo na hindi lang basta papauwiin sa kanilang lugar ang mga Indigenous Peoples o IPs na ito kundi bibigyan pa sila ng pangkabuhayan.
Aniya, sampung libong piso bawat pamilya ng IP na nare-rescue ngayon ang ibinibigay ng DSWD bilang puhunan nila pagdating sa kanilang lugar.
Maliban dito, pinagkakalooban din ng ahensya ng food packs, family at hygiene kits ang bawat pamilya.
Ayon naman kay DSWD Standard Bureau Usec. Denise Bragas na siyang nangangasiwa sa rescue operations ng IPs sa lansangan, isusunod na nila ang mga street children sa iba pang lugar sa bansa.