Matapos ang mahigit 5 taon, hinatulang guilty ng Korte ang isang pulis kaugnay sa pag-torture at pagtatanim ng ebidensya sa dalawang nasawing teenagers sa drug war ng nagdaang administrasyon.
Sa desisyon ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 122, napatunayang nagkasala si Patrolman Jeffrey Perez sa mga kasong isinampa kaugnay sa pagpatay sa mga biktimang sina Carl Arnaiz at Reynaldo ‘Kulot’ De Guzman, noong 2017.
Hinatulan si Perez ng 4 na taong pagkakakulong dahil sa pagtorture kay Arnaiz, disi nwebe anyos at apatnapung taong pagkakabilanggo dahil din sa pagtorture kay De Guzman, katorse anyos.
Life imprisonment naman ang hatol sa pulis matapos mapatunayag tinaniman nito ng iligal na droga sina Arnaiz at De Guzman at isa pang reclusion perpetua dahil sa pagtatanim ng baril bilang ebidensya kay Carl.
Ipinag-utos naman ng Korte kay perez na bayaran nito ng tig-P2 million ang mga naulila nina Arnaiz at De Guzman bilang moral at exemplery damages.
Si Arnaiz ay napatay ng mga pulis-Caloocan matapos umanong holdapin ang isang taxi-driver noong August 18, 2017 habang natagpuan ang bangkay ni Kulot sa isang bakanteng lugar sa Gapan, Nueva Ecija na tadtad ng saksak at binalot din ng packaging tape ang ulo nito.