Nagbabala si Sen. Win Gatchalian sa mga nagpapadala ng text scams at phishing messages ngayong malapit nang matapos ang pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa implementasyon ng Sim Registration Law.
Sinabi ni Gatchalian na umaasa sila na mababawasan na ang bilang ng mga kawatan habang papalapit na ang pagpapatupad ng batas na magsisimula sa Disyembre 27.
Magsasagawa naman ng pampublikong pagdinig ang National Telecommunications Commission (NTC) sa Disyembre 5 kasama ang mga telecommunication providers at iba pang stakeholders para isapinal ang IRR ng Republic Act No. 11934 o Sim Registration Law.
Ayon sa batas, ang mga sim card ay naka-deactivate kapag naibenta at maaari lamang i-activate kapag narehistro na kung saan kailangang magpakita ng valid ID.
Mahaharap naman sa kaukulang parusa ang sinumang magparehistro ng sim card gamit ang mali o kathang-isip na impormasyon, at kathang-isip na pagkakakilanlan
Sa ilalim din ng batas, ang mga telco subscribers na mayroon nang sim card ay kailangang magparehistro sa kani-kanilang mga telco provider sa loob ng isang takdang panahon o sila ay posibleng putulan ng network. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19), sa panulat ni Hannah Oledan