Naghahanda na ang sektor ng transportasyon sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista at pasahero sa papalapit na holiday season.
Sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX), nananatiling magaan sa 130,000 per day ang passenger volume kada araw pero inaasahang aabot ito sa 160,000 hanggang 170,000 bago o sa mismong araw ng Pasko.
Ayon kay PITX spokesman Jason Salvador, inaasahang darami ang bibiyahe ngayong taon dahil sa mas maluwag na Covid-19 restrictions.
Pinaghahandaan na rin anya nila ang pagsisimula ng 24- oras na operasyon ng EDSA Bus Carousel na aarangkada sa Disyembre a-1 hanggang katapusan ng taon.
Inihayag naman ni Manila International Airport Authority assistant senior General Manager Bryan Co na simula Nobyembre hanggang sa unang bahagi ng 2023 ang peak season ng biyahe kaya’t naglatag na sila ng mga hakbang upang ma-kontrol ang passenger volume.
Pagdating sa mga biyahe sa barko, inabisuhan ni Philippine Ports Authority General Manager, Atty. Jay Santiago ang mga pasahero na agahang mag-book ng ticket online upang maiwasan ang aberya.
Samantala, tiniyak ni MMDA spokesperson, Atty. Melissa Carunungan na patuloy ang paglalatag nila ng hakbang bilang preparasyon sa mabigat na traffic volume, gaya ng clearing ng mabuhay lanes at pagpapatigil sa mga paghuhukay sa kalsada maliban sa priority projects ng DPWH.