Bukas ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman kaugnay sa ban sa pagbebenta ng imported na isda sa mga palengke.
Ayon kay BFAR chief Information Officer at Fisherfolk Coordination Unit head Nazario Briguera, matagal na nilang ipinatutupad ang Fisheries Administrative Order 195.
Mas maghihigpit lamang anya sila ngayon dahil sa dumaraming reklamo ng mga lokal na mangingisda hinggil sa mga imported na isda.
Binigyang-diin ni Briguera na masyado nang laganap sa mga pamilihan ang mga imported na isda na nakasasama sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda, kaya’t kailangang i-regulate.
Nakasaad sa kautusan na simula Disyembre a – 4 ay ipagbabawal na ng ahensya ang pagbebenta sa palengke ng ilang imported na isda, gaya ng pink salmon at pampano.