Matapos kwestyunin ng mga senador ang kautusan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ipagbawal ang pagbebenta ng pink salmon at pompano sa mga palengke mula December 4, nagpasya ang mga senador na ipatawag ang mga opisyal ng BFAR para pagpaliwanagin ukol dito.
Suportado ni Senator Grace Poe ang pag iimbestiga ng senado dahil nalabuan siya sa pagbabawal sa imported na pink salmon at pompano sa palengke o wet market.
Nanawagan si Poe sa Department of Agriculture na pagsabihan ang BFAR na ayusin ang biglaang pagpapatupad ng naturang kautusan na matagal nang hindi umiiral.
Iginiit naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na kailangan nilang magsagawa ng pagdinig para pagpaliwanagin ang BFAR kung ano ang legal basis ng kanilang kautusan.
Ayon kay Pimentel, mga importers at hindi mga retailer ang dapat pagtuunan ng pansin ng BFAR.
Sa pagbusisi sa operasyon at mga direktiba ng BFAR, sinabi ni Pimentel na kailangan ding pag-aralan ng senado ang paghihiwalay ng BFAR mula sa Department of Agriculture para higit itong mabantayan.
Samantala bilang chairman ng Committee on Agriculture, hiningi na ni Senator Cynthia Villar ang mga impormasyon na hawak ni Tulfo para gamitin sa ipatatawag na pagdinig ng kanyang komite sa naturang isyu. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)