Bumuo na ng isang special panel ang World Boxing Council (WBC) na tututok sa mga naging pahayag ni boxing hall of famer referee Carlos Padilla na tinulungan niyang manalo si dating senador Manny Pacquiao sa laban kay Nedal Hussein noong October 2000.
Ayon kay WBC President Mauricio Sulaiman, lumiham na sa kanila ang anak ni Padilla na si Suzy Tuano upang hilinging ikunsidera ang mga naging komento ng ama, lalo’t otsenta’y otso anyos na ito.
Bagaman naiintindihan anya nila ang panawagan ni Tuano at nirerespeto si Padilla bilang isang “alamat” sa mundo ng boxing, susundin ng WBC sa ngayon ang proseso ng pag-rebisa sa naging komento ng retiradong referee.
Idinagdag pa ni Sulaiman na hindi na muna magsasapubliko ng anumang komento ang WBC.