Tutulak patungong Europa si Pangulong Benigno Aquino III sa katapusan ng buwan.
Nakatakdang magtungo para sa isang working visit ang presidente sa Rome at Vatican at para dumalo rin sa 21st Conference of the Parties o COP21 sa Paris.
Ito ang kauna-unahang pagbisita ni Pangulong Aquino sa Italy at Holy See na inaasahang magpapatatag sa pinakamataas na antas na relasyong bilateral ng Pilipinas at dalawang European countries.
Ibibida umano ng Pangulo ang mga nagawa na ng kanyang administrasyon patungkol sa climate change.
Kaugnay nito, hindi nangangamba si Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang seguridad sa pagdalo sa 21st Conference of the Parties o COP21 sa France na may kinalaman sa climate change.
Ito’y sa kabila ng malagim na pag-atake sa Paris kamakailan na ikinasawi ng mahigit 100 katao.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Maria Cleofe Natividad, tiniyak ng French authorities na nailatag na ang lahat ng paghahanda para sa kaligtasan ng mga dadalong mahigit 100 heads of state mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Magsisimula ang COP21 sa Nobyembre 30 kung saan bibigyan ng tigta-tatlong minuto ang bawat lider para sa kanilang talumpati.
Inaasahang ibabahagi ng Pangulo sa nasabing pagpupulong ang mga planong gawin ng pamahalaan ng Pilipinas para sa kaligtasan ng mga Pilipino sa epektong dulot ng pagbabago ng panahon.
By Jelbert Perdez | Aileen Taliping (Patrol 23)