Mas maluwag na ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Quezon City kahapon kumpara noong Lunes kung saan nagkabuhul-buhol ang traffic, partikular sa Quezon Avenue.
Isa sa panibagong ipinatupad ang “Flashing Traffic Light”, kung saan hindi na muna pinagana ang traffic lights at hinayaan ang traffic enforcers na dumiskarte at magmando sa mga sasakyan.
Ayon kay Dexter Cardenas, Hepe ng Quezon City Task Force for Transport and Traffic Management, posibleng kusa nang naghanap ng ibang ruta ang mga motorista upang makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko.
Posible anyang baguhin o bawasan pa ang oras ng implementasyon upang hindi gaanong bumigat ang traffic congestion para sa mga Eastbound na motorista na binawasan ng dalawang linya dahil sa Zipper Lane.
Sabado nang simulan ng Q.C. Traffic ang dry run para sa bagong traffic scheme.
Gayunman, nilinaw ng LGU na isang linggo pa itong pag-aaralan bago ang aktuwal na implementasyon.