Patay ang walong (8) miyembro ng isang armadong grupo sa engkwentro sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Ang grupong Ansar Khalifa Philippines ay sinasabing may kaugnayan sa ISIS.
Sa inisyal na ulat, sinabi ni AFP Western Mindanao Command Spokesman Major Felimon tan, tinambangan ng armadong grupo ang mga tauhan ng Philippine Marines sa barangay Putril Pasado alas-6:00 kahapon ng umaga.
Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng putok ng dalawang panig.
Ipinabatid ni Tan na nakarekober sila ng limang bandera ng ISIS at dokumento mula sa mga napatay.
Iginiit pa ng opisyal na hindi naman kinikilala ng ISIS ang grupo dahil wala pang sapat na puwersa ang mga ito ngunit hindi pa nila natutukoy kung may kaugnayan ang mga napatay sa Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.
“Actually we are trying to establish that kung saang grupo sila nakikipag-link, sa ngayon itong grupong ito na Ansar Al-Khalifa Philippines ay parang sumulpot na grupo na gustong magpakilala under ISIS kaya siguro nagkaroon sila ng bandera ng ISIS ngunit wala kaming nakikitang koneksyon talaga sa mismong ISIS, yung link po.” Pahayag ni Tan.
***
Samantala, tukoy na ang pagkakakilanlan ng isa sa walong napatay na terorista sa Palimbang, Sultan Kudarat, kahapon.
Kinumpirma ni AFP-Western Mindanao Command Spokesman, Major Filemon Tan Junior na ang Indonesian na si Ibrahim Alih, alyas Abdul Fatah ang isa sa mga nasawi.
Si Alih ay isa sa mga suspek sa October 12, 2002 Bali bombing sa Indonesia at dating miyembro ng Jemaah Islamiyah.
Ang walo anya ay kabilang sa grupong Ansar Al Khalifa, na isa umano sa mga ISIS terror cell na nag-ooperate sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Samantala, tatlong Syrian members ng ISIS ang nakapasok na umano sa Pilipinas at umanib na sa Khalifa.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita | Drew Nacino