Hindi pa handa ang bansa sa ngayon sa panukalang gawing ligal ang medical marijuana.
Ito, ayon kay Senator Jinggoy Estrada, ay dahil maaari itong abusuhin kung saan posibleng hindi lang gamitin bilang lunas.
Tugon ito ni Estrada sa pagsisimula kahapon ng pagdinig sa isinusulong ni Senator Robin Padilla na Senate Bill 230 o Medical Cannabis Compassionate Access act of the Philippines.
Iginiit ni Senador Estrada na dapat busisiin at aralin muna nang husto ang naturang panukalang batas.
Sa panig ni Senator Nancy Binay, inihayag nitong kailangan munang marinig ang panig ng mga eksperto at malaman ano ang “safeguards” upang hindi ito maabuso.
Samantala, iginiit naman ni Padillla na binuksan nila ang pintuan para sa mga pasyente na kumakatok sa puso ng mga kinauukulan para sa matagal na nilang panawagan na magkaroon ng access sa medical cannabis o marijuana. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Buena (Patrol 19)