Isa sa nakikitang susi ng isang eksperto para mapababa ang kaso ng tuberculosis sa bansa ay pagtugon sa kahirapan.
Ito ang sinabi ni Dr. Rontgene Solante kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Department of Health (DOH) na tutukan din ang iba pang general public health concerns tulad ng TB at HIV.
Sa laging handa briefing, sinabi ni Solante na maituturing na sakit ng mahihirap ang TB.
Habang dumarami kasi aniya ang mga pilipinong mahihirap, dumarami rin ang nagkakasakit ng TB dahil magkakasama lamang sila iisang masikip na lugar kaya mabilis ang hawaan.
Ayon pa kay Solante, nananatili ang Pilipinas sa top 10 countries na nakakapag-aambag sa 80 % ng kaso ng TB sa buong daigdig.
Maliban dito, kasama rin ang bansa sa top 5 na mga bansa na nag-aambag ng mga kaso ng multi-drug resistant Tuberculosis.
Makatutulong pa aniya na mas paigtingin pa ang information campaign hinggil sa Tuberculosis.