Naka-umang ang dagdag P60 hanggang P80 na singil sa kuryente sa mga customer ng Meralco matapos suspendihin ng San Miguel Corporation subsidiary na South Premier Power Corporation, ang kanilang power supply agreement.
Batay ito sa komputasyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) para sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt per hour.
Ipinaliwanag ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta na dahil nabawasan ng 670 megawatt ang isinusupply sa Meralco, pansamantala itong humuhugot sa mas mahal na Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Katumbas anya ito ng nawalang 670 megawatts mula sa SPPC o mahigit 13% ng supply para sa power distributor.
Posible namang bahagyang maramdaman ang dagdag-singil sa huling bahagi ng Disyembre depende kung hindi makakukuha ng panibagong PSA ang Meralco.