Umapela ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at environmental watchdog Ecowaste Coalition na iwasang magpaputok ngayong bagong taon para sa kaligtasan hindi lamang ng tao kundi maging ng mga hayop, lalo na ang mga domestic pets.
Binigyang diin ng PAWS at Ecowaste na ang exposure ng mga alagang hayop sa malalakas na paputok ay maaaring makapinsala lalo na sa mga aso at pusa na may malakas na pandinig.
Sinabi ni PAWS Executive Director Anna Cabrera na maaari itong magdulot ng anxiety, disorientation, kawalan ng gana sa pagkain at sakit sa tyan.
Payo naman ng PAWS, para makabawas sa stress, paihiin at pataihin na ang mga alagang hayop bago pa magsimula ang pagpapaputok at bigyan ng maraming tubig upang hindi madehydrate ang mga alagang hayop. —sa panulat ni Hannah Oledan