May bago umanong modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bukod sa tanim o laglag bala na kadalasang bumibiktima ng mga Overseas Filipino Worker.
Binalaan ni Immigration Commissioner Siegfred Mison ang mga pasahero na huwag basta makikipag-usap o magpapalinlang sa mga pekeng BI agent na pangingikil ang tanging pakay.
Ito’y bunsod na rin ng post sa social media hinggil sa isang airport employee na nagpakilalang BI officer at humingi ng pera mula sa isang OFW kapalit ng escort services.
Magugunitang inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group ang mga ahenteng sina Phil Balicuat at Emmanuel Salvador dahil sa pagpapanggap bilang Immigration agents at nangikil ng pera sa isang Malaysian na nagtatrabaho sa Pasay City.
Iginiit ni Mison na hindi nila kinukunsinte ang naturang iligal na aktibidad sa kanilang hanay kaya’t umaapela sila sa publiko lalo ang mga airline passenger na isumbong agad ang sinumang gumagamit sa pangalan ng ahensya upang makapanghingi ng pera.
By Drew Nacino