Patuloy na binabantayan ng Pagasa weather bureau ang bagyong Rosal na huling namataan sa layong 925 kilometers silangang bahagi ng extreme Northern Luzon.
Ayon sa Pagasa weather specialist na si Obet Badrina, si bagyong Rosal ay may lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong aabot naman sa 80 kilometers per hour.
Humihina na ang bagyong Rosal habang kumikilos pa-eastward ng bansa sa bilis na 10 kilometers per hour at wala nang direktang epekto sa malaking bahagi ng bansa.
Sa susunod na dalawamput apat na oras, posibleng maging tropical depression na lamang ito.
Asahan naman na magiging maaliwalas ang panahon sa bahagi ng Metro Manila, Visayas partikular na sa Metro Cebu, at Davao Region pero posibleng ulanin sa hapon hanggang sa gabi maging sa Batanes at Babuyan Islands bunsod ng isolated thunderstorms at northeast monsoon.
Sa ngayon, wala nang namomonitor na low pressure area ang Pagasa o sama ng panahon sa loob at labas ng bansa at asahan din na lalakas ang northeast monsoon sa susunod na dalawamput apat na oras na magpapaulan sa Ilocos Norte, northern at eastern Cagayan at sa eastern Isabela.
Nagpaalala naman sa publiko ang pagasa sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, manatiling maging alerto, at makinig sa mga abiso ng mga lokal na pamahalaan para sa kaligtasan ng bawat isa.