Inatasan ng Commission on Appointments ang Department of Transportation (DOTr) na magtalaga ng task force sa land transports, airports at seaports ngayong holiday season.
Ito ang inihayag ni CA Assistant Majority Leader Congressman Luis Raymund Villafuerte kaugnay na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero sa mga bus terminal, paliparan at pantalan.
Sa deliberasyon ng CA para sa Ad Interim Appointment ni Transportation Secretary Jaime Bautista, inihirit ni Villafuerte ang paglalagay ng task force sa mga terminal, airport at seaport upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan sa pagbiyahe ng mga pasahero.
Depensa naman ni Bautista, nakikipag-ugnayan na ang DOTr sa lahat ng sektor ng transportasyon sa bawat rehiyon kung saan lahat ng opisyal ay inatasan na tiyakin na ang lahat ng ‘pinpoints’ na panggagalingan ng mga pasahero ay walang magiging problema.
Ipinabatid naman ni Villafuerte na dapat mapaghandaan ng pamahalaan ang libu-libong mga pasahero na babiyahe ngayong holiday lalo’t ito ang unang pagkakataon na lumalabas na ang publiko mula sa kanilang mga tahanan.