Wala umanong inappropriate lump sums sa inaprubahan nilang 2016 national budget.
Ito ang binigyang diin ni Senate President Franklin Drilon kasunod ng paratang ni Senator Miriam Defensor-Santiago na may nailusot na parang pork barrel sa budget para sa susunod na taon na nagkakahalaga ng mahigit P3 trilyong piso.
Giit ni Drilon, hindi talaga maiiwasan ang lump sum sa budget tulad ng calamity fund na hindi makakayang i-itemize dahil hindi pa naman batid kung ano ang mga mangyayaring kalamidad sa hinaharap.
Una nang isiniwalat ni Santiago na pinalobo o bloated at ambitious umano ang naipasang 2016 budget.
Palasyo
Samantala, ikinagalak ng Malacañang ang maagang pagpasa ng Kongreso sa 2016 national budget na nagkakahalaga ng P3.2 trillion pesos na umano’y makakabuti sa ekonomiya ng bansa.
Ito ang inihayag ni Budget Secretary Butch Abad makaraang makalusot sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa mas maagang panahon ang pambansang budget.
Aniya, ito ang ika-anim na taon na maagang napagtibay ng mga mambabatas ang national budget kahit walang reenacted budget ang Aquino administration.
Alam na umano ng Kongreso kung saan mapupunta ang budget at walang katotohanang gagamitin ito para maipanalo ang mga manok ng administrasyon sa 2016 elections.
By Jelbert Perdez | Cely Bueno (Patrol 19) | Aileen Taliping (Patrol 23)