Handa na ang iba’t ibang simbahan sa Maynila maging ang pulisya para sa tradisyunal na simbang gabi sa gitna ng mas maluwag na COVID-19 protocols, partikular sa pagsusuot ng face mask.
Kabilang sa mga preparasyon ang pagpipintura ng Manila Police District (MPD) ng physical distance markings sa Plaza Miranda sa tapat ng Quiapo Church.
Nilinis na rin ng mga tauhan ng simbahan ang paligid ng Minor Basilica of the Black Nazarene habang kinumpuni ang mga CCTV.
Ayon kay Reverend, Father Earl Allyson Valdez, Attached Priest ng Quiapo Church, magsisimula ang misa alas kwatro hanggang alas singko ng madaling araw, bukas.
Mayroon namang anticipated mass ng alas syete hanggang alas otso 8 ng gabi mamaya.
Ganito rin ang ikinasang paghahanda ng Manila Cathedral, San Agustin Church at Santo Niño de Tondo Church.
Samantala, plantsado na rin ang security plans ng MPD para sa simbang gabi.
Tiniyak ni MPD Director, Brig. Gen. Andre Dizon na nakatutok ang kanilang buong pwersa na ide-deploy sa mga kalsada at paligid ng mga simbahan habang kanyang pinayuhan ang publiko na maging alerto laban sa mga modus ng mga kawatan.