Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na naka-hightened alert na ang lahat ng ospital sa buong bansa bilang paghahanda sa mga posibleng biktima ng paputok kasunod ng nalalapit pagdiriwang sa pagsalubong ng bagong taon.
Sa kalatas na inilabas ng kagawaran ng kalusugan, sinabi nito na masusi nilang i-momonitor ang mga pagamutan upang matiyak ang kanilang kahandaan sa pagbibigay ng agarang lunas sa mga firework-related injuries at iba pang mga health emergencies na may kinalaman sa “Iwas Paputok” campaign ng ahensya.
Sa December 29, inaasahang bibisitahin ng mga DOH official ang ilang ospital gaya ng Las Piñas Trauma Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, East Avenue Medical Center, at Amang Rodriguez Medical Center.
Habang sa December 31, nakatakdang mag-ikot sa ibat-ibang komunidad sa Luzon, Visayas at Mindanao ang Field Implementation and Coordination Team (FICT) officials, nang sa gayu’y masiguro na nasa ligtas at maayos na kalagayan ang bawat pamilyang Pilipino habang ipinagdiriwang ang pagsalubong sa bagong taon.
Pagsapit naman ng January 1, 2023, agad na magkakaroon ng media forum ang DOH at magsasagawa rin ng pagbisita sa mga pagamutan sa Baguio City, na susundan ng pag-iikot sa lunsod upang makita at ma-assess ang sitwasyon doon matapos ang New Year celebrations.
Samantala nanawagan sa publiko ang kagawaran na iwasan na lamang ang paggamit ng mga firecrackers lalo na ng mga ipinagbabawal na paputok at gumamit na lamang ng mga improvised materials upang matiyak na kumpleto ang parte ng katawan pagpasok ng 2023.