Inihayag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na maaaring magsagawa ng taktikal na opensiba ang armed wing nila na New People’s Army (NPA), bilang pagbibigay-pugay sa namayapa nilang founder na si Jose Maria ‘Joma’ Sison.
Ito ang sinabi ng CPP Central Committee ngayong araw matapos ideklara ang sampung araw na pagluluksa bilang pagrespeto kay Ka Joma.
Ayon sa CPP, inatasan nila ang NPA na magsagawa ng 21-gun salute sa Disyembre 26 na ika- 54 nilang anibersaryo at pagtatapos ng pagluluksa.
Idineklara naman ng CPP si Sison bilang pinakadakilang bayani ng sambayanang Pilipino sa nakaraang siglo ng paglaban sa imperyalismo.
Bilang pagrespeto rin, bibigyan nito ng panahon ang mga miyembro ng CPP na magbigay ng kanilang huling paggalang sa namatay na lider ng komunista sa sandaling dumating ang abo nito sa Pilipinas.