Pinalawig pa ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Junior ang bisa ng Executive Order na nagpapataw ng mababang taripa sa ilang produktong agrikultura.
Bilang tugon ito sa rekomendasyon ng National Economic and Development Authority o NEDA na layong pagaanin at patatagin ang epekto ng inflation na resulta ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia, palawakin ang mga pinagmumulan ng suplay, at bawasan ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng Executive Order 171, magtatagal na hanggang katapusan ng 2023 ang murang taripa na ipapatong sa produktong karne ng baboy, mais, bigas at karbon.
Dahil dito, ang mga import na baboy ay sisingilin ng 15 percent para sa in-quota at 25 percent para sa out-quota, mais sa 5 percent para sa in-quota at 15 percent para sa out-quota, at bigas sa 35 percent.
Ang pag-import din ng karbon ay magkakaroon ng zero duty kahit na lampas sa December 31, 2023.
Sa December 31, 2022 orihinal dapat na matatapos ang Executive Order 171 na iniutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.