Mababa ang tiyansang maging ganap na bagyo ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng bansa.
Batay sa huling datos ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 275 kilometers silangan ng General Santos, City.
Hindi gaanong gumagalaw ang sama ng panahon habang papalapit sa bisinidad ng Mindanao.
Sa ngayon, bagaman hindi pa ganap na bagyo ay magpapaulan na ang LPA sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga at Davao Region.
Maulan na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan din ang asahan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, CALABARZON, Oriental Mindoro at Marinduque ngunit dahil ito sa northeast monsoon o amihan.
Samantala, ang nalalabing bahagi naman ng bansa ay makakaranas ng isolated rainshowers bunsod ng pinag-ibayong LPA at localized thunderstorm.