Ikinababahala ng gobyerno ang napaulat na reclamation activities ng China sa ilang unoccupied features sa Spratly Islands sa West Philippine Sea.
Reaksyon ito ng Department of Foreign Affairs sa ulat ng international media outlet na Bloomberg na nagtatayo ang tsina sa ilang unoccupied land features malapit sa teritoryong okupado ng Pilipinas.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Maria Teresita Daza, sinusuring mabuti at bineberipika ng DFA ang katotohanan sa nasabing ulat.
Kung totoo man anya ang nasabing ulat ay taliwas anya ito sa self-restraint na nakasaad declaration of conduct (DOC) sa South China Sea at 2016 Arbitral Award.
Ang DOC, na nilagdaan ng China at sampung miyembro ng Association of Southeast Asian Nations noong 2002, ay malinaw na nagpahayag na ang lahat ng partido ay dapat iwasan ang pagsasagawa ng aktibidad na makagugulo at maka-aapekto sa kapayapaan sa West Philippine Sea.