Posibleng pauwiin na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasa 100 Overseas Filipino na biktima ng panloloko o scam ng mga Chinese operator sa Laos, Cambodia at Myanmar.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose De Vega, karamihan sa mga Pinoy sa mga nasabing bansa ay pinangakuan ng trabaho bilang data encoder, pero humantong sa pagiging POGO workers at scammer.
Binubugbog din umano ang mga ito kung wala silang makuhang kliyente.
Gayunman, aminado si De Vega na hindi lahat ng Pinoy ay gustong umuwi dahil sa takot sa kanilang mga employer.
Tiniyak naman ng DFA na ginagawa nila ang lahat ng paraan upang matulungan ang mga nasabing Pilipino.
Samantala, hinimok naman ni De Vega ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibayong dagat na makipag-ugnayan lamang sa Philippine Overseas Employment Administration upang hindi mabiktima ng mga illegal recruiter. —sa panulat ni Hannah Oledan