Ipagpapatuloy ng Marcos administration ang kanilang mga hakbang at patakaran upang matiyak ang pagkakaroon ng mura at maaasahang enerhiya sa pamamagitan ng pagsulong at paggamit ng renewable energy sources.
Ito ang ipinangako ng Department of Energy (DOE) kung saan tinukoy ng ahensya ang mga pangunahing plano para sa 2023 kabilang ang pag-update sa Philippine Energy Plan, pagpapatuloy ng mga contingency measures at aktibidad upang matiyak ang supply ng enerhiya sa mga kritikal na panahon, at pagtulak para sa patuloy na pag-unlad ng alternatibong gasolina at pagpapabuti ng access sa kuryente.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), na ang enerhiya ay magiging “pangunahing sektor” sa pagtutulak ng administrasyon para sa paglago ng ekonomiya at pagtaas ng trabaho.
Mababatid na nagpahayag din ang Presidente sa kanyang SONA ng paniniwala na panahon na upang muling suriin ang diskarte ng bansa sa pagtatayo ng mga nuclear power plant sa Pilipinas habang patuloy na sumusunod sa mga regulasyon ng international atomic energy agency para sa mga nuclear power plant. –-mula sa panulat ni Hannah Oledan