Binalaan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga habal-habal rider na nag-aalok ng sakay sa mga pasahero sa Metro Manila.
Ito’y matapos maglipana ang mga hindi awtorisadang rider dahil sa pahirapang pagsakay sa mga taxi at pag-book sa mga ride hailing app sa gitna ng Holiday season.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade, kanilang kakasuhan ang mga kolorum na mahuhuling nagsasakay ng mga pasahero.
Nagbabala rin si Tugade sa mga miyembro ng Motorcycle Taxi Pilot Study, na kanilang papatawan ng parusa ang mga naniningil ng mataas na pasahe sa kanilang mga mananakay.
Matatandaang dumami ang mga reklamong natatanggap ng ahensya mula sa mga pasahero dahil sa paniningil ng mahal ng mga driver sa kanilang mga sakay mahaba man o maikling distansya nito.