Inalmahan ng isang opisyal ng simbahan ng Quiapo ang pangambang maging Covid-19 superspreader event ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno sa Maynila.
Nilinaw ni Nazareno 2023 adviser Alex Irasga na batay sa siyensya at datos, hindi naman naging superspreader event ang nasabing selebrasyon sa nakalipas na dalawang taon kahit may pandemya.
Tugon ito ni Irasga matapos dumalo sa press conference ang ilang opisyal ng Department of Health kaugnay sa Pista ng Nazareno na magsisimula sa Sabado hanggang Lunes o sa mismong araw ng kapistahan sa Jan. 9.
Iginiit ni Irasga na kahit may pagdiriwang o wala, nasa loob o labas man ng bahay ay maaari pa ring tamaan ng Covid ang sinuman.
Sa katunayan anya ay hindi nila pinayagan na magkaroon ng traslacion at iba pang aktibidad sa pista ng itim na Nazareno noong isang taon pero maging silang opisyal ng simbahan ay tinamaan pa rin ng sakit kahit hindi magkakasama.